```html
Minsan, hindi kayang maipahayag ng mga salita nang wasto ang damdaming nasa kalooban.
Hindi lamang minsan... kundi kadalasan.
Dahil ang himalang ito — at tunay ngang kahanga-hanga ito — ang mabuhay sa buhay na ito, ang magkaroon ng ganitong pag-iral.
At sa pag-iral na ito, magkaroon ng pagkakataon — isang bintana, isang pinto, isang pagkakataon — na matagpuan man lamang ang pintuang iyon...
At pagkatapos, may isang makapagbubukas ng pintuang iyon at magpapahintulot sa mga pangarap, damdamin, at habambuhay na paghihintay na malutas. Isang bagay na mauunawaan ko, isang bagay na mararamdaman ko, isang bagay na mapupuno nito ang aking buhay. At hindi lamang isang konsepto, hindi lamang isang ideya, kundi isang bagay na tunay, isang bagay na simple.
Para sa atin, kung mauunawaan natin kung ano ang pagkakataong iyon; kung mauunawaan natin kung ano ang kahulugan nito. At lapitan ito nang may paggalang — nang may kalayaan, nang may hangaring maging malaya.
Maaaring sa buhay na ito, madaling hayaan ang sarili na mabigatan. At hindi lamang madaling hayaan ang sarili na mabigatan, na pahirapan, kundi talagang masanay dito. At hindi lamang madaling masanay dito, kundi simulang tanggapin ito bilang isang katotohanan ng buhay. Napakaraming tao, kapag hindi nagiging maayos ang mga bagay-bagay, ay nagsasabi: "Ganyan talaga ang buhay."
At lagi kong kailangang sabihin sa mga tao, hindi iyan totoo — hindi ganyan ang buhay.
Ito ay isang regalo; ito ay isang pangarap na nagiging realidad.
Totoo ito.
At mula sa pinakamalalim na damdaming iyon, magising at tanggapin ang **TOTONG** realidad na iyon, hindi ang realidad ng pagpapahirap, sakit at pagdurusa — dahil ibang kuwento ang sinasabi ng kahinahunan ng nilikhang ito. Ang halimuyak ng isang bulaklak, ang mga kulay ng pagsikat ng araw, ang kislap ng isang bituin, ang liwanag ng buwan, ang kagandahan ng bughaw ng langit... ay hindi nagsasabi tungkol sa sakit at pagdurusa — hindi sila mga sagisag nito.
Kailan tayo nagsisimulang pahalagahan mismo ang pagpapahalaga? Kailan natin kinikilala ang kapangyarihang ito — at kung minsan kailangan mong maghinay-hinay at maunawaan kung ano ang ibig sabihin nito. May kakayahan ka — hindi lamang isa, kundi maraming kakayahang pahalagahan ang magagandang bagay na ipinagkaloob sa atin.
Ang ating karunungan, ikinalulungkot kong sabihin — ay hindi nasa pagsasaulo ng mga ensiklopedya, kundi nasa pagkatuto ng kasimpleng iyon sa buhay na ito. Ang kaalamang ito, ang larangang ito ng kaalaman, ang mundong ito ng kaalaman at ang guro, ito ang mundong mananatili sa iyo hanggang sa iyong huling hininga. Pag-isipan mo iyon.
Walang ibang bagay, walang ibang bagay na alam mo ang makagagawa ng mabuti para sa iyo. At ang alam mo tungkol sa kasimpleng iyon, sa kagandahang iyon, sa katahimikang iyon, sa pagtitiwalang iyon, ay hindi lamang makatutulong sa iyo sa bawat araw ng iyong buhay, sa bawat sandali ng iyong buhay — kundi maging sa pinakahuling sandali ng buhay na ito.
Dahil ito ay totoo. Totoo ito, iyan ang realidad. Hindi ang realidad na nakikita natin na nagbabago araw-araw, hindi iyon ang realidad. Hindi iyon ang katotohanan. Sa sandaling ito, ang pagkilala roon, iyan ang magagawa ko — mapupuno ko ang aking sarili; mapupuno ko ang aking sarili ng dalisay na karanasang iyon.
At iyan ang pagkamit ng layunin ng buhay ng isang tao.